Ang aming grupo ay dumalo sa Manilakbayan 2016 na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Ang iba naman ay naglakbay rin papuntang Baclaran Church noong ika-27 ng Oktubre upang makausap at makasalamuha ang mga katutubong minorya sa huling pagkakataon.
Noong papalapit na kami, hindi namin alam kung anong emosyon ang aming mararamdaman. Paano kami makikitungo sa katutubo? Nakakanerbiyos rin dahil baka mamaya may mga biro o salita kaming hindi nila magustuhan o maging iba ang dating para sa kanila. Sari-saring ideya ang aming napag-usapan sa kung ano ang aming inaasahan sa paglalakbay na ito.
Nag-iba ang aming pananaw at pagkilos noong naroon na kami. Aming napagtanto na isa palang seryosong bagay ang aming pinuntahan. Hindi ito isang kasiyahan, kundi isang paraan ng pagmumulat sa amin sa realidad sa aming paligid. Naantig ang aming damdamin sa mga panayam ng ilang katutubo. Itong paglalakbay namin ay hindi lamang pala tungkol sa pagmamalaki ng bagong karanasan, kundi ay isang “call to action”.
“Baka sakaling ito yung paraan para mabigyang-pansin na kami.”
Ayon sa mga katutubong nakausap ng grupo, sila ay nagsama-sama sa Manilakbayan dahil sa tingin nila ito ang paraan upang sila ay mabigyan ng pansin. Tunay na mahalaga sa buhay nila ang kanilang pamayanan dahil ito ang lugar kung saan sila nagtatanim ng palay, gulay at iba pang pwedeng mapakinabangan. Dito nila kinukuha ang kanilang pagkain sa araw-araw, at ang bunga ng kanilang mga tanim ay ibinebenta sa bayan upang may mapagkunan ng pera. Sa madaling salita, bukod sa kanilang kulturang nakapaloob sa pamayanan, ito ay nagsisilbi ring pinagmumulan ng hanapbuhay. Magaan ang buhay nila noon dahil sila ay may pamayanang sumusuporta sa kanilang mga pangangailangan.
“Hindi naman kami pumunta dito para mang-away. Nandito kami para mapakinggan”
Sa kasalukuyan, ang iba sa kanila ay nakatira sa General Santos. Ang kabuhayan nila dito ay ang pagbebenta ng mga kakanin, palamig at iba pa. Kung dati ay hindi nila binibili ang kanilang pagkain sa araw-araw dahil meron silang mapagkukunan ng bigas, gulay at prutas, ngayon ay kailangan nilang magdoble kayod upang may mapakain sa kanilang mga pamilya. Dati pa nga raw ay nakapaglalaba sila sa sapa, ngayon hindi na sapagkat kulay putik na ang tubig.
Magulo ang kalagayan sa bahagi ng pamayanang ito. Ang mga pinapatira sa kanilang lupa ngayon ay ang mga Kafgu at mga army. Nakakaranas sila ng iba’t ibang banta sa buhay. Sa kasalukuyan, ang mga katutubong minorya ay nakatira na lamang sa mga covered courts. Ang nagkokontrol na ng kanilang mga lupa ay ang mga pribadong mining companies na nakikinabang dito. May mga guwardiyang rin itong inatasan upang pagbawalan ang mga lumad na pumasok sa kanilang sariling lupa o pamayanan. Kung sino man ang magtangkang pumasok dito ay pinapatay o binabaril. Sa kabila ng mga paglabag sa karapatang panatong ito, hindi nabibigyan ng karampatang hustisya ang mga biktima ng panggagapi. Ang simpleng pagpasok sa kanilang lupa upang kumuha ng pagkain at maaaring ibentang prutas at gulay ay nagiging dahilan ng kanilang pagkasawi. Alam ng mga katutubo na ang gumagawa ng mga bantang ito ay ang mga pribadong mining companies mula sa Amerika na kumakamkam ng kanilang mga lupa upang mapakinabangan ang mga mineral na naroon. Hindi namin maiwasang mapaluha sa mga pahayag ng mga katutubo. Nakalulungkot isipin na ang dating simpleng pamumuhay na nga lang ay napagkait pa sa kanila.
“Kapag may pera ka, papakinggan ka.”
Isang kakilakilabot pa na senaryo ang naranasan ng mga mga katutubong Lumad. Ito ay ang pangloloko ng mga mining companies sa pagkuha ng kanilang mga lupain. Inatasan ang mga katutubo na magtipon-tipon at magtaas ng kamay sa tanong na “Sino dito ang nagugutom?” Dahil sa kanilang sitwasyon, hindi maiiwasan na halos walang makain ang mga katutubo. Ang mga nagtaas na kamay ay kinuhanan ng litrato ng mga kumpanya at ginawang patunay na sila ay sang-ayon sa pagmimina ng mga mining companies. Halong awa at galit ang aming naramdaman nang narinig namin ito. Awa, para sa mga katutubong nilinlang, galit sa mga mapang-abusong pribadong kumpanya. Ang iba naman ay binigyan ng kontratang nagsasabi “raw” na ang mga lupain ay sa mga kanila na. Ngunit dahil sa kakulang sa edukasyon ng mga katutubo, hindi nila naintindihan ang mismong nakasulat sa mga konrata. Ito ay sadyang nakapangalan na sa mga kumpanya. Dulot ng kasakiman ng mga kumpanya, sa isang iglap, nawalan ng tirahan at kabuhayan ang mga katutubo.
Dahil sa mahina at mabagal na sistema ng mga kinauukulan, mas durami ang mga panggagahas na nanggyayari sa bansa. Ngunit makakatulong ang pamahalaan sa mga adhikain ng mga katutubo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga serbisyo para sa reporma sa lupa, pagsusulong ng mga “peace talks”, pagkakampanya sa katarungan at kapayapaan, at higit sa lahat, ang pagdinig sa kanilang mga panawagan. Kailangang pakinggan ang kanilang panawagan at isaisip na hindi pa rin nagaganao ang “pagbabago” sa kanilang lupain dahil, kahit sa kasalukuyan,may “unilateral ceasefire” sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas, National Democratic Front at ng mga moro. Mapapansin rin na hindi pa konkreto ang kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat kahit sa mismong mga paaralan nila, maging sa pagtungo nila rito sa lungsod ng Maynila, ay nakararanas sila ng dahas. Kailangan din pakinggan ang kanilang panawagan ukol sa hustisya para sa mga pinaslang dahil hangga’t maaari, hindi dapat hayaang makawala ang mga may salarin pati na rin ang mga malalaking mining companies. Kailangan silang panagutin sa kamaliang kanilang dinulot sa ating bansa. Panawagan din na paigtingin ang suporta sa edukasyon ng mga katutubo upang hindi na sila muli maloloko ng mga mapanlinlang na mga mining companies. Dapat silang turuan ng mga alternatibong educational systems upang maitaguyodmpa rin ang bagong kaalaman ng mga kabataan sa likod ng pagsusunog ng kanilang mga paaralan.
Bilang mga estudyante, ang simpleng pagbisita sa mga Lumad ay malaking tulong upang mapakinggan ang mga kwento ng mga katutubo at ipakalat ang adhikain ng ManilaLakbayan sa mga ating mga kaklase. Bukod pa rito, makikita rin natin ang magandang nadudulot ng pagsali sa argumento sa social media katulad na lang kung may makitang “flawed argument” sa mga nagkukumento sa social media. Ating punan ng taman suhestiyon ito upang kanilang malaman na, “Oo may mga naniniwala sa panawagan nila at malawakan ang aming suporta.” Maganda rin na hindi lang tayo makukulong sa social media kung hindi sumali rin tayo sa iba pangmasang organisasyon ng kabataan kagaya ng Lakbayan, LFS, Kabataan Partylist at iba pa. Itong mga organisasyong ito ang tunay na naglilingkod sa sambayanan at kinikilala nila ang papel ng kabataan bilang pag-asa ng bayan sa pagkakaroon ng organisadong pagkilos. Naniniwala rin silang kabataan ang tinutukoy nila sa pagsasabi ng “Change is coming.”
“To think, to feel, to do”, ang hamon ni Pope Francis. Nagsisimula ang lahat sa pagmumulat sa kaganapan sa ating paligid. Hindi ito nagtatapos sa pakikisimpatya. Kinakailangang magkaroon tayo ng karampatang aksyon at bilang kabataan, gagamitin namin ang social media sa pagpapalawig ng boses ng mga katutubong minorya.